top of page
  • Writer's pictureDPAO, 5th Infantry (STAR) Division, Philippine Army

35 na mga kasapi ng teroristang ng CPP-NPA, nagbalik-loob sa pamahalaan

CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Sabay-sabay na nagbalik-loob sa pamahalaan ang 35 na mga miyembro ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa pwersa ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army noong ika-28 ng Enero taong kasalukuyan sa Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan.


Tatlong mga regular na miyembro ng rebeldeng CPP-NPA ang nagbalik-loob kasama ang limang miyembro ng Sangay ng Partido sa Lokalidad (SPL) at 27 na mga miyembro ng Militia ng Bayan. Base sa kanilang mga pahayag, nakaranas sila ng sobrang paghihirap sa kanilang mga inanibang kilusan at sinuportahang mga organisasyon. Anila, purong kasinungalingan lamang ang mga pinahayag na mga pangako ng mga humikayat sa kanilang umanib at sumuporta sa teroristang CPP-NPA. Mas lalo lamang nilang naranasan ang paghihirap kasama ang rebeldeng grupo.


Ibinahagi ni Ka Joseph, dating SPL ang kanyang karanasan sa loob ng inanibang partido, “Sa edad kong 57, wala pa akong naranasang kaginhawaan dahil sa mga NPA. Mas lalo lamang akong nakaranas ng paghihirap nung sumuporta ako sa mga NPA. Kaya napag isip-isipan namin na ito ang tamang pagkakataon upang makiisa sa gobyerno sa pagsugpu sa mga makakaliwang grupo. Idinedeklara ko ngayong araw, ang aming pagputol ng ugnayan sa CPP-NPA. Ngayon, ay handa na naming yakapin ang totoong gobyerno tungo sa kapayapaan at kaunlaran.”


Ayon pa sa mga nagbalik-loob, ginawa nilang oportunidad upang makatakas sa rebeldeng kilusan ang walang patid na ikinakasang combat operations ng kasundaluhan upang matiyak na mawala ang presensya ng mga teroristang CPP-NPA sa kanilang lugar.


Sa tuluy-tuloy na paglulunsad ng kasundaluhan ng Community Support Program (CSP) na naglalayong maiparating sa kanayunan ang mga programa at proyekto ng pamahalaan, naliwanagan na rin sila sa mga ginagawang pagsisikap ng pinagsanib pwersang mga ahensya ng pamahalaan sa pagpaparating ng kaunlaran sa kanilang mga lugar.


Ayon kay Col Darwin Sacramed (RET), Cagayan Provincial Administrator, na malaking tulong ang kanilang ginawang pagbabalik-loob sa kanilang mga sarili, pamilya, barangay at lalo na sa probinsya ng Cagayan.


Sa ginanap na pulong balitaan, sinabi naman ni Col Steve D Crepillo INF (GSC) PA, Brigade Commander ng 501st Infantry Brigade na hindi matatawaran ang kanilang desisyon na magbalik-loob na sa pamahalaan dahil napakalaking ambag ito sa kaayusan at katahimikan sa Cagayan.


Sinabi naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na hindi titigil ang kasundaluhan kasama ang iba’t-ibang mga ahensya ng pamahalaan na maiparating ang mga programa at proyekto ng tunay na gobyerno. “Nagpapasalamat ako sa mga lokal na pamahalaan na sumusuporta sa ating adhikaing wakasan ang terorismo. Marami na tayong mga narinig na mga dating rebelde na nagbahagi ng kanilang karanasan, at iisa lamang ang kanilang naging kapalaran- yun ay ang mas matinding hirap sa loob ng kilusan. Kaya, magkaisa ns tayong wakasan ang kahirapan na dulot ng mga teroristang CPP-NPA.”


“Sa mga nagbalik-loob, maraming salamat sa tiwala na inyong ipinagkaloob sa inyong kasundaluhan at buong pamahalaan. Ang inyong pakikipagtulungan upang tuluyang masugpo ang insurhensiya ang magiging daan ng kapayapaan at pagpasok ng kaunlaran. Kayo ay aming itinuturing na mga huwaran dahil sa tapang na ipinapamalas niyo upang talikuran ang rebeldeng kilusan at makipagtulungan sa ating pamahalaan.”


Hinikayat pa rin ng heneral ang mga natitira pang mga miyembro ng rebeldeng CPP-NPA na magbalik loob na sa pamahalaan at maging benepisyaryo ng Enhanced Comprehensive Local Integration Program o E-CLIP ng pamahalaan.


Kasunod ng pulong balitaan, isinagawa ang pagsusunog ng watawat ng CPP-NPA ng mga nagbalik loob sa pamahalaan.

192 views0 comments
bottom of page