CRS ONLINE
Kuta ng rebeldeng NPA sa Rizal, Cagayan nadiskubre; mga pampasabog nakumpiska
CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Nakumspiska ng tropa ng 17th Infantry Battalion, Philippine Army ang ilang mga pampasabog sa nadiskubreng kuta ng mga rebeldeng New People’s Army (NPA) matapos ang nangyaring sagupaan sa pagitan ng kasundaluhan at ng NPA sa Barangay Bural, Zinundungan Valley, Rizal, Cagayan noong ika-5 nang Disyembre taong kasalukuyan.
Nakasagupa ng 17IB ang nasa tinatayang 20 na mga miyembro ng teroristang NPA ng West Front, Komiteng Probinsya Cagayan na pinamumunuan ng isang Ka Simoy. Tumagal ng dalawampung minuto ang nangyaring engkwentro matapos na nagkasa ng operasyon ang 501 Infantry Brigade na pinagsanib-pwersa ng kasundaluhan at kapulisan sa nasabing lugar dahil na rin sa ulat ng mga residente ukol sa presensya ng mga rebeldeng NPA.
Nakumpiska sa pinangyarihan ng engkwentro ang mga naiwang gamit ng mga teroristang NPA na kinabibilangan ng siyam na jungle packs, walong Improvised Explosive Devices, dalawang rifle grenades, tatlong boxes ng detonating cords, pitong cellphones, iba’t-ibang uri ng mga bala (10 bala ng M16, 15 bala ng AK47, 3 bala ng cal .45 at 2 bala ng Shot gun) at mga subersibong dokumento.
Wala namang naipaulat na sugatan sa panig ng pamahalaan at patuloy ang pagtugis nila sa mga nakatakas na miyembro ng rebeldeng grupo. Posibleng marami ang natamaan sa mga rebeldeng NPA kaya di nila nagawang dalhin lahat ng kanilang mga kagamitan.
Sinabi ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division, Philippine Army na malaking dagok sa panig ng mga rebeldeng NPA ang nangyaring pagkakadiskubre ng kanilang kuta maging ang pagkakakumpiska ng kanilang gamit at mga pampasabog. Aniya, maaaring gamitin nila ang mga ito laban sa pwersa ng pamahalaan at mga inosenteng mamamayan bilang bahagi ng kanilang nalalapit na anibersaryo ngayong buwan ng Disyembre. “Muli akong umaapela sa mga miyembro ng NPA na sumuko at magbalik-loob sa ating pamahalaan imbes na mamalagi at magtago sa kabundukan. Batid namin ang inyong kaawa-awang kalagayan sa loob ng inyong kilusan. Mananatiling bukas ang pinto ng aming mga himpilan upang kayo ay tanggapin sa inyong pagbabalik-loob at para makasama nyo ang inyong buong pamilya ngayong nalalapit na kapaskuhan.”
Dagdag pa ng heneral na ang ginawang pagbibigay ng impormasyon ng mga residente tungkol sa kinaroroonan ng mga rebeldeng NPA ay pahiwatig lamang ng kanilang kagustuhan na mawakasan na ang panggugulo ng mga teroristang NPA sa kanilang lugar. “Lumiliit na ang lugar ng mga teroristang NPA sa probinsya ng Cagayan dahil mismong mga residente na ang umaayaw sa kanila.”
“Sa ating mga kababayan, hangad ng inyong kasundaluhan na maging maayos at mapayapa ang inyong pagdiriwang ng pasko, kung kaya, asahan ninyo na handa at nakabantay ang mga sundalo sa anumang oras upang kayo ay proteksyunan laban sa mga teroristang NPA.” Saad ni MGen Mina.
Samantala, kasama rin sa ikinasang operasyon ang 77th Infantry Battalion, Marine Battalion Landing Team 10 at ang Cagayan PNP.
Contact: MAJ JEKYLL JULIAN D DULAWAN (INF) PA
Chief, DPAO
Contact No: 0927-9712-251
Hotline No: 0955-094-4526
Email Address: army5id@yahoo.com
Facebook Page: 5ID Startroopers, Philippine Army