• DPAO, 5th Infantry (STAR) Division, Philippine Army

WONA pinaigting laban sa insurhensiya; mga residente nakiisa!

CAMP MELCHOR F DELA CRUZ, Upi, Gamu, Isabela- Pinaigting pa ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang pagpapatupad ng Whole-of-Nation Approach (WONA) to End Local Communist Armed Conflict na kung saan, naging aktibo rin ang mga mamamayan sa pagtulong sa gobyerno laban sa insurhensiya sa mga rehiyon ng Cordillera at Lambak ng Cagayan.


Sa bahagi ng Bontoc, Mt. Province, nakatanggap ng tulong pinansyal ang apat na mga dating miyembro ng teroristang Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa ilalim ng Firearm Remuneration ng Enhance Comprehensive Local Integration Program (E-CLIP). Ika-14 ng Abril taong kasalukuyan, sa tulong ng kasundaluhan ng 54th Infantry Battalion, naipasakamay ni Director Anthony Manolo Ballug, Provincial Director ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang kabuuang PhP370,000 na halaga ng tulong pinansyal sa mga dating miyembro ng rebeldeng grupo matapos maibaba ang kani-kanilang mga armas kasabay ng kanilang pagbabalik-loob sa gobyerno noong nakaraang taon.


Habang sa bayan ng Tinoc, Ifugao, naipamahagi ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) ang kanilang fisheries livelihood project na nagkakahalaga ng isang milyon piso noong ika-04 ng Abril taong kasalukuyan. Naipagkaloob ng naturang tanggapan ang rice&fish, at pond demo culture sa 29 na mga mangingisda na mula sa mga barangay ng Binablayan, Danggo, Luhong, Tukukan, at Wangwang. Ang naturang pangkabuhayan ay naglalaman ng fingerlings at feeds na kinakailangan sa kabuuang proseso ng demo culture.


Naisalarawan naman ng kasundaluhan ng 50th Infantry Battalion kasama ang mga CAFGU Active Auxiliary ang bayanihan nang nakibahagi sa Brigada Eskwela na inilunsad sa Tappo Elementary School, Tappo, Pinukpuk, Kalinga noong ika-10 ng Abril. Layunin nito, na maipabatid sa mga kabataan ang kahalagahan ng pag-aaral lalo na ngayong panahon ng pandemya. Malaki rin ang naging pasasalamat ni Ginang Jonalyn Guitering, Brigada Coordinator sa tulong ng mga kasundaluhan. Aniya, bagamat tumutugon din sa paglaban sa pandemya ang kasundaluhan, hindi sila nagdalawang isip na makipagtulungan sa kanilang aktibidad.


Alinsunod naman sa kagustuhang tuluy-tuloy na katahimikan at pag-unlad sa lalawigan ng Isabela, pinangunahan ni BGen Danilo D Benavidez PA, Brigade Commander ng 502nd Infantry Brigade ang pagpupulong ng Peace, Law Enforcement, and Development Support (PLEDS) Cluster ng Provincial Task Force- ELCAC kasama ang 86th at 95th Infantry Battalion, Isabela Police Provincial Office, Regional Mobile Force Battalion 02, Philippine Coast Guard, at National Bureau of Investigation-Isabela noong ika-14 ng Abril. Ito ay upang mapag-usapan ang mga susunod na hakbang upang makamit ang kapayapaan at kaunlaran para sa mga residente ng naturang lalawigan.


Bukod dito, dahil sa mga ikinasang Community Support Program ng 86IB kasama ang iba’t-ibang ahensya ng pamahalaan sa Barangay San Francisco Sur, San Guillermo, Isabela, namulat ang mga residente sa panlilinlang ng CPP-NPA-NDF. Noong ika-10 ng Abril, tinuligsa nila ang mga karahasan at pang-aabuso ng mga teroristang grupo sa pamamagitan ng kanilang isinagawang Indignation Rally. Habang idineklara namang Persona Non Grata ng Palanan, Isabela ang mga teroristang CPP-NPA sa kanilang bayan sa bisa ng isang resolusyon nang ika-22 ng Pebrero taong kasalukuyan na pinagtibay naman ng mga mamamayan sa nasabing bayan noong ika-14 ng Abril sa pamamagitan ng pakikipagtulungan sa hanay ng kasundaluhan. Nagkaisa ang mga lokal na lider at ang mga residente ng naturang bayan na protektahan ang kanilang mamamayan laban sa banta ng teroristang CPP-NPA. Kanila ring siniguro ang kanilang kooperasyon at pakikipagtulungan sa hanay ng 95IB upang wakasan ang insurhensiya sa kanilang lugar.


Hindi na rin mapigilan pa ang mga residente sa bayan ng Baggao, Cagayan sa pagsasagawa ng Peace Rally kontra sa teroristang CPP-NPA sa tulong na rin ng 77th Infantry Battalion. Magkakasunod na nagsagawa ng peace rally noong ika-4 ng Abril ang mga barangay ng Carupian, Bunugan, Taguing, Ibulo, Bitag Grande, Hacienda Intal, Asinga Via, San Vicente, Bagunot, at Sta Margarita upang ipakita sa mga miyembro ng CTG na hindi sila katanggap-tanggap sa kanilang lugar.


Ayon kay Barangay Chairman Vilarico Calderon, kapitan ng Barangay Carupian, naging pabigat lamang sa kanila ang mga teroristang CPP-NPA. Aniya, dinadaanan ng mga rebelde ang kanilang lugar at kinakailangan nilang pakainin ang mga ito. Kung kaya, walang pagdadalawang isip nilang tuluyang itinaboy ang mga teroristang CPP-NPA sa kanilang lugar. Pagbabahagi naman ni Barangay Chairman German Fabros ng Barangay Bunugan sa mamamayan na nagawa nilang makaalpas sa paghihirap na dulot ng teroristang CPP-NPA. Aniya, nasaksihan ng bawat isa ang sinseridad ng pamahalaan na ilayo sila sa impluwensya ng rebeldeng grupo.


Dagdag pa rito, apat na mga katutubong agta na pawang mga miyembro ng Militia ng Bayan ang nagbalik-loob noong ika-7 ng Abril sa 17th Infantry Battalion sa bayan ng Rizal, Cagayan matapos makaranas ng pangmamalupit mula sa kamay ng mga kadre ng teroristang CPP-NPA. Ayon kay Ka Ferde, isa sa mga nagbalik-loob, itinuring lamang silang alipin at utusan ng mga kadre ng teroristang CPP-NPA. Sapilitin silang ginagawang tagahatid ng mga pagkain at armas ng mga rebelde. Bukod dito, ginagawa rin silang espiya laban sa tropa ng pamahalaan. Aniya, kung hindi sila susunod sa kagustuhan ng mga kadre ay tinatakot at pinagbabantaan ang kanilang buhay kasama ang kanilang pamilya. “Sobrang paghihirap ang aming naranasan dahil sa pagmamando ng mga NPA. Kinokontrol nila kami at pinagbabantaan. Natatakot kaming suwayin ang utos nila dahil baka madamay ang aming pamilya. Wala kaming magawa kundi sumunod sa kanila kahit labag sa aming kalooban pati na rin sarili naming pamilya ay napabayaan narin,” emosyonal na pagbabahagi ni Ka Ferde sa kanyang naging karanasan sa mga teroristang CPP-NPA.


Ikinagalak naman ni MGen Laurence E Mina PA, Commander ng 5th Infantry Division ang naging pagkakaisa ng bawat mamamayan at pakikipagtulungan sa mga ahensya ng pamahalaan upang ipagtabuyan ang mga rebeldeng CPP-NPA sa kani-kanilang mga lugar. Aniya, malaking bagay ito para sa tagumpay ng kampanya ng pamahalaan laban sa insurhensiya partikular na sa Lambak ng Cagayan at Rehiyong Cordillera.

21 views0 comments